Mga petisyon kontra “war on drugs”, didinggin ng Supreme Court sa November 21

by Radyo La Verdad | November 8, 2017 (Wednesday) | 6453

Nagpatawag ng pagdinig ang Korte Suprema sa November 21 upang talakayin ang mga petisyon laban sa kampanya kontra droga ng administrasyong Duterte.

Pinasasagot din ang PNP, DILG at iba pang respondent sa pinag-isang petisyon ng Free Legal Assistance Group at Center for International Law. Ikinatuwa ng mga petitioner ang pagkakataong ito na makapagsalita sa harap ng mga mahistrado.

Ayon kay Atty. Jose Manuel Diokno, nagpapasalamat sila sa pagnanais ng korte na pakinggan ang mga panawagan ng hustisya para sa mga biktima ng war on drugs. Handa rin silang tindigan ang kanilang kaso sa oral arguments.

Hinihiling sa dalawang petisyon na ipatigil ang “war on drugs” ng pamahalaan dahil labag umano ito sa Saligang Batas.

Ayon sa FLAG, binibigyan nito ng pahintulot ang mga pulis na patayin ang hinihinalang mga pusher at drug personalities.

Nais naman ng Center Law na mabigyan ng proteksyon ang mga residente sa dalawampu’t walong barangay sa San Andres Bukid sa Maynila dahil tatlumpu’t lima na ang napapatay doon sa mga operasyon ng pulisya.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,