Mga pasaway na motoristang gumagamit ng led head lights sa Pasig City, sinita ng HPG

by Radyo La Verdad | November 27, 2017 (Monday) | 5025

Nagsagawa ng operasyon ang mga kawani ng Highway Patrol Group o HPG laban sa mga motoristang gumagamit sa sasakyan ng light–emitting diode o led bilang head light pasado alas sais kagabi. Tinutukan ng mga ito ang mga dumadaan sa kahabaan ng Ortigas Avenue sa Pasig City.

Kaugnay ito ng Presidential Decree 96 na nagbabawal ng paglalagay sa mga sasakyan ng mga domelights, blinkers at iba pang kaparehas na mga signalling o flashing devices.

Ayon sa mga kawani ng HPG, hinuhuli ng mga ito ang nakamotorsiklong gumagamit ng led karagdagan sa headlight nito dahil nagdudulot ito ng pagkasilaw sa kasalubong na sasakyan na sanhi ng aksidente. Dalawampu’t dalawang gadgets na gawa sa led  ang kinumpiska ng HPG sa mga nakamotorsiklo.

Kinuha ang mga pangalan ng mga ito dahil sa susunod na mahuli pa ang mga ito ay papatawan ng anim na daang pisong multa o pagkakulong na anim na buwan.

Ayon naman sa nahuli, gumagamit ang mga ito ng mga karagdagang ilaw na gawa sa led dahil mahina ang standard na headlight ng motorsiklo na minsan ay sanhi ng kanilang pagkaaksidente sa mga madidilim at malulubak na lugar.

Apila pa ng mga motorista, magkaroon sana ng batas kung saan papayagan ang paggamit ng led sa sasakyan ngunit may regulasyon ito.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,