Hindi lamang doble, kundi tripleng pag-iingat na ang ginagawa ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA laban sa modus operandi na “tanim bala” o bullet-planting sa mga bagahe.
Sa mga nakalipas na linggo, maraming Overseas Filipino Workers na ang nahulihan ng bala sa paliparan na umano’y sinadyang inilagay sa mga bagahe ng mga pasahero upang makikilan o ma-extort.
Sa takot na mabiktima ng scam ay binalutan ng ilang mga pasahero ng plastic o cling wrap ang kanilang mga bagahe.
Ang iba naman, maliban sa kandado ay nilagyan pa ng duct tape ang zipper ng kanilang mga bag.
Ayon sa mga biyahero, ang naturang scam ay nagdudulot na rin ng kahihiyan sa imahe ng bansa.
Samantala, ikinoconsolidate na ng department of transportation and communications ang lahat ng kaso at impormasyon ukol sa “tanim bala” scam para sa malalimang imbestigasyon.
Ilang airport personnel ang iniimbestigahan na ngayon.
Kahapon, sinabi ng Malacañang na gumagawa na ng mga hakbang ang pamahalaan upang masolusyonan ang problemang ito, kagaya ng paglalagay ng karagdagang cctv cameras sa strategic areas ng paliparan at pagsasaayos ng seguridad dito.
Giit ng mga pasaherong pilipino at turista sa naia, mapanagot na ang mga nasa likod ng scam at mapawalang sala naman ang mga inosenteng nadamay dito.(Bianca Dava/UNTV Correspondent)
Tags: "tanim bala" scam, NAIA