Mga pasahero patungong Bicol, matumal bunsod ng Bagyong Rosita

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 16861

Pasado alas otso na ng umaga nang makaalis ang first trip ng bus patungong Naga sa Bicol dito sa terminal sa Calamba, Laguna.

Ayon sa bus driver na si Roberto Webes, atrasado ang kanilang biyahe dahil sa matumal ang pagdating ng mga pasahero bunsod ng banta ng Bagyong Rosita.

Kung ikukumpara aniya noong mga nakaraang taon kung saan dagsa na ang mga biyero sa mga ganitong petsa, ngayon ay kakaunti pa lang ang kanilang mga pasahero.

Bagaman may ilang pasahero na nagpasyang huwag nang tumuloy, determinado naman si Aling Marieta na umuwi ng Sorsogon dahil death anniversary ng kaniyang ina.

Samantala, matumal din ang pagdating ng mga pasahero sa Batangas Pier dahil kahapon pa kinansela  ang biyahe ng mga barko na patungo sa Mindoro, Romblon at Abra de Ilog.

Umaasa naman ang mga driver na muling dadagsa ang mga pasahero sa oras na bumuti na ang panahon.

Sa ngayon ay wala pang nararanasang pag-ulan sa probinsiya ng Laguna, ngunit makulimlim na ang panahon at may katamtamang lakas ng hangin.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

Tags: , ,