METRO MANILA – Maaaring magpatupad ng modular distance learning ang mga paaralan sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon sa bansa.
Ayon kay Department of Education Spokesperson Michael Poa, responsibilidad ng mga public at private schools na suspindihin ang face-to-face classes at lumipat sa alternative delivery modes sa oras na napakataas ng temperatura na maaaring makaapekto sa pag-aaral sa silid-aralan.
Prayoridad din aniya ng kagawaran ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral
Nakasaad ito sa DepEd Order No. 37 S. of 2022 o ang batayan ng mga paaralan sa pagkakansela ng klase.
Isang halimbawa ang ginawang aksyon ng lokal na pamahalaan ng Cabuyao City sa Laguna nang suspendihin ang klase sa gulod National High School extension.
Ito’y matapos maospital ang nasa 80 estudyante matapos mabilad sa araw dahil sa isinagawang fire at earthquake drill.
Una rito hiniling ng iba’t ibang grupo na maibalik na ang lumang school calendar ng mga paaralan.
Karamihan umano sa mga pampublikong paaralan ay hindi nakahanda para maibsan ang matinding init ng panahon.
Base sa forecast ng PAGASA, posibleng makaranas pa ng mas mataas na heat index ang maraming lugar sa bansa sa mga susunod na araw.
Kaya paalala ng kagawaran ang palagiang pag-inom ng tubig upang makaiwas sa sakit gaya ng heat exhaustion o heat stroke.
(Bernadette Tinoy | UNTV News)
Tags: DepEd, Heat index, Modular