Naging emosyonal ang mga screener ng Office for Transportation Security sa ginanap na pagtitipon kanina sa labas ng NAIA Terminal 2.
Naglagay ng kulay pink na arm band ang mga OTS screener bilang tanda ng pagibig sa kanilang trabaho at mga pasahero.
Ayon sa mga OTS screener, masyado ng naapektuhan ang kanilang mga personal na buhay dahil sa tanim bala issue.
Kwento ng ibang screener, may mga pagkakataon na kapag sumasakay sila ng pampublikong sasakyan ay tinutuya sila at sinasabihan ng hindi maganda.
Maging mga anak nila ay na bu-bully kapag nalamang nagtatrabaho sila bilang mga security screener sa NAIA.
Subalit walang nagbago sa pananaw ng mga pasahero.
Hanggang ngayon marami sa mga pasahero sa NAIA ang balot na balot pa rin ang mga bagahe upang makaiwas sa di umanoy tanim bala scam.
Nakakaramdam rin sila ng awa sa mga nadadamay ng mga OTS screener subalit mas mabuti na ang maghanda kaysa magsisi bandang huli.
Samantala, kahapon lamang ay mayroong tatlong pasahero ang nahulihan na may dalang bala sa NAIA.
Agad itong dinala sa PNP Aviation Security upang maimbistigahan, matapos ma inquest ay pinakawalan rin ang tatlo at ipapatawag na lamang sa ibang araw upang humarap sa mga pagdinig.(Mon Jocson/UNTV Correspondent)
Tags: NAIA, OTS screener