Mga opisyal ng MWSS, sinampahan ng reklamo sa Ombudsman

by Radyo La Verdad | July 11, 2018 (Wednesday) | 3534

Naghain ng reklamo kahapon ang consumer group na Water for all Refund Movement sa Ombudsman laban sa mga executive officials ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Nakalagay na respondents sa reklamo sina Franklin Monteverde ang chairman of the board of trustees ng MWSS at si Reynaldo Velasco, ang administrator ng MWSS.

Ayon sa grupo, ika-7 ng Hulyo 2017 sila sumulat sa MWSS nguni’t matapos ang isang taon at tatlong araw na hiniling nila ang kopya sa MWSS kaugnay ng rate rebasing ng Maynilad at Manila Water ay wala pa rin silang tugon hanggang ngayon.

Nalabag umano ng MWSS ang EO No. 2 o ang Freedom of Information matapos na balewalain ng MWSS ang hiling ng grupo.

Naghahanap lang naman aniya ang grupo ng dokumento bilang batayan sa 11 pesos per cubic meter na increase ng Maynilad at P8.30 per cubic meter ng Manila Water.

Bagaman nagkaroon na ng public consultation noong Hunyo ay hindi rin naiprisinta ng water concessionares ang detalye ng kanilang komputasyon para sa itinakdang water rate adjustments.

Ayon sa abogado ng grupo, malinaw na paglabag sa karapatan at kapakanan ng publiko ang tila cover up ng MWSS dahil wala silang maipakitang dokumento.

Umaasa ang consumer group na sa loob ng tatlo hanggang apat linggo ay magsasawa na ng imbestigasyon at pagdinig ang Ombudsman kaugnay ng naturang isyu.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,