Ito ang isa sa mga larawang ipinadala sa UNTV News ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Saipan.
Bakas dito ang tindi ng pinsalang dulot sa lugar ng bagyong may international name na “Yutu” noong ika-24 ng Oktubre bago ito manalasa sa Pilipinas.
Ang Saipan ay ang pinakamalaking isla ng Northern Marianas Islands sa Western Pacific na commonwealth naman ng Estados Unidos.
Mahigit 52 libo ang populasyon ng Saipan base sa sensus ng U.S. noong 2017.
Ipinarating sa UNTV News ng Pinay na si Rowena Dimalanta ang kanilang situwasyon doon.
Ayon naman kay Jimmy Blancia na nagtatrabaho sa istasyon ng radyo sa Saipan, hindi kasama sa binibigyan ng ayuda ng gobyerno ng U.S. ang mga OFW sa Saipan dahil mga citizens lamang nila ang kanilang tinutulungan.
Apektado din aniya maging ang hanap-buhay ng mga OFW doon.
Kaya naman nananawagan sila sa administrasyong Duterte na alamin at mabigyan ng kaukulang ayuda ang kanilang mga kalagayan.
Ipinarating na ng UNTV News kay Labor Secretary Silvestre Bello III at sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang idinulog na problema ng mga OFW sa Saipan at nangakong aaksyunan ito.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )
Tags: Bagyong Yutu, OFW, Saipan