Sa tala ng World Health Organization as of February 13, 2015, nakapagtala ng halos isang libong kumpirmadong kaso ng Middle East Respiratory Syndrome Corona Virus sa buong mundo.
Nasa mahigit tatlong daan na ang namamatay dahil dito.
Isa ang mga health worker sa maaring dapuan ng ganitong uri ng sakit partikular na sa Middle East.
Kamakailan lamang ay napaulat na may ilang Overseas Filipino Worker na nagtatrabaho sa mga ospital sa Middle East ang nagkasakit ng MersCov.
Sakaling dapuan ng MersCov ang isang ofw na miyembro ng Philhealth, sagot nito ang nasa fifty thousand pesos na gastusin sa pagpapagamot para sa mga non-health worker at one hundred thousand pesos naman para sa mga health worker.
Sakop nito ang bayad sa hospitalization, laboratory tests, mga gamot,at professional fee ng mga doktor.
Maging ang ilang gamit tulad ng personal protective equipment at paghahatid ng ambulasya sa pasyente ay kasama rin sa health benefit package.
Kaugnay nito, muling pinaalalahan ng Philhealth ang ating mga kababayang ofw sa kahalagahan ng pagbabayad ng kanilang kontribusyon o ang Philhealth annual premium.
Sa ilalim ng Philhealth Circular No.7 Series of 2012, bawat OFW na miyembro ng Philhealth ay kinakailangang makapaghulog ng halagang 2,400 bilang annual premium.
Pwede itong bayaran sa lahat ng mga lehitimong outlet ng Philhealth dito sa Pilipinas o di naman kaya ay sa mga accredited collecting bank sa abroad. (Joan Nano / UNTV News)