Inatasan ni PNP chief Director General Oscar Albayalde ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tumulong sa pagpapatupad ng price control sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Ayon kay Albayalde, inatasan na niya ang mga regional offices ng PNP na makipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) para makatulong sa pagmonitor sa presyo ng mga bilihin sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Sa ilalim aniya ng Republic Act 7581 o The Price Act of 1992, otomatikong umiiral ang price freeze sa loob ng 60 araw sa mga lugar na nagdeklara ng state of calamity.
Sa ngayon ay nasa ilalim na ng state of calamity ang Cavite, Marikina, Olongapo, Balanga Bataan, Pangasinan, Nueva Ecija, Rizal at Tarlac.
Kaugnay nito, nagsagawa din ng aerial survey si PNP chief PDG Oscar Albayalde at NCRPO chief Guillermo Eleazar upang makita ang epekto ng habagat sa Metro Manila at kalapit lalawigan.
Ipinag-utos din ng hepe ng pambansang pulisya na ilagay sa full alert status ang pwersa ng PNP sa lahat lugar na apektado ng kalamidad.
Nangako din ang PNP na paiigtingin nila ang pagpapatrolya sa mga lugar na marami ang lumikas upang maiwasan ang nakawan sa mga tahanan na iniwan ng mga residente.
( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )