METRO MANILA – Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mailabas sa merkado ang mga ipinuslit na sibuyas.
Ayon sa pangulo, humahanap na ng paraan ang pamahalaan upang agad itong maisagawa sa gitna ng naiulat na mataas na presyo ng sibuyas sa merkado.
Ito ang pahayag ng pangulo matapos ang kaniyang surprise inspection noong Sabado sa warehouse ng National Food Authority sa Valenzuela City.
Samantalaa tiniyak din ni Pangulong Marcos Jr. na hindi mauubusan ang ibinebentang bigas sa Kadiwa store. Kung saan ito ay naibebenta ng P25 kada kilo.
Ayon kay PBBM sapat ang suplay ng bigas ngayong holiday season.
Una rito naglabas ng executive order ang pangulo na layong palawigin ang ipinatutupad na pagbawas sa tariff rates sa agricultural products.
Ibig sabihin ang mga imported pork ay bubuwisan ng 15% sa in-quota at 25% sa out-quota. 35% naman ang inilaan na buwis para sa imported rice.
Mananatiling epektibo ang naturang tapyas na taripa hanggang December 31, 2023.
(Nel Maribojoc | UNTV News)