Mga naarestong lumabag sa gun ban umabot na sa mahigit isang libo

by Radyo La Verdad | February 15, 2016 (Monday) | 2361

LEA_MAYOR
Umabot na sa 1004 ang naaresto ng Philippine National Police na lumabag sa COMELEC gun ban.

Sa nasabing bilang, 965 dito ang sibilyan, 7 ang pulis, 10 ang government at elected official, 15 naman ang security guard, 5 ang mula sa ibang law enforcement agency at 3 ang nagmula sa CAFGU.

Samantala, nasa 810 naman ang nakumpiskang firearms ng ahensya, nasa 9169 na deadly weapons kung saan 30 ang firearms replica, 277 na bladed at pointed weapon, 43 granada, 9 na ibang pampasabog at 8810 na mga bala.

Ayon kay PNP PIO Chief P/CSupt. Wilben Mayor, kabilang sa 7 naarestong pulis ay sina: PO2 Jessie James Marabi na mula sa Iloilo City at PO1 Marlon Cojuangco Nofuente na taga Muntinlupa na parehong nahuli noong February 7.

Sinabi pa ni Mayor na matatangal ang mga nasabing opisyal kung mapapatunayang lumabag ang mga ito sa umiiral na COMELEC gun ban.

Ipinahayag din ni Mayor na dinagdagan na nila ang mga pulis na nagpapatrolya at nagbabantay ngayong papalapit na ang halalan.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: ,