Iprinisenta ng mga miyembro ng consultative committee (Concom) sa Senado kahapon ang disenyo ng federal-presidential form of government na kanilang binalangkas sa loob ng halos 5 buwan.
At sa pagdinig, sinagot din ng Concom ang pinakahuling Pulse Asia survey na nagsasabing higit kalahati ng mga Pilipino ang hindi pabor sa charter change.
Ayon kay Concom Spokesperson Ding Generoso, time bound ang survey dahil sagot lamang umano ito ng taumbayan sa panahon kung kailan mismong tinanong ang survey.
Sa porma ng gobyerno na isinusulong ng Concom, magkakaroon ng pagbabago sa komposisyon at termino ng mga opisyal ng pamahalaan. Mananatili ang posisyon ng Presidente at bise presidente pero magiging apat na taon na lamang ang kanilang termino.
Magmumula sa isang partido ang mahahalal na Pangulo at pangalawang pangulo at maari naman silang tumakbo para sa reelection.
Mula naman sa kasalukuyang 24 ay magiging 36 na ang mga senador; tig dalawa mula sa 18 federated regions.
Ang mga rehiyon ay pamumunuan ng regional governor, deputy regional governor na kapwa may 4 year-term at entitled sa isang reelection. Ihahalal sila ng Regional Legislative Assembly.
Magkakaroon naman ng 240 kinatawan mula sa legislative districts at 160 kinatawan mula sa political party, ito ang bubuo sa 400 miyembro ng Kamara.
At imbes na isang makapangyarihang Supreme Court, hahatiin ito sa 4 na federal courts na may kani-kaniyang function.
Ang mga federated regions naman ay bibigyan ng kapangyarihang magbuwis at pangasiwaan ang sarili nilang pondo.
Nababahala naman ang ilang miyembro ng academe sa pagrerepaso at maging sa planong paglipat ng bansa sa pederalismo.
Ayon naman kay retired Chief Justice Hilario Davide, ito’y isang mapanganib na eksperimento at pagtalon sa kamatayan.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )
Tags: ConCom, pederalismo, Pulse Asia