Mga militanteng grupo magsasagawa ng “kilos suporta” kasabay ng SONA ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | July 25, 2016 (Monday) | 1680

KILOS-SUPORTA
Normal na senaryo na tuwing magsasagawa ng State of the Nation Address ng mga nagdaang pangulo ng bansa ang mga kilos protesta.

Batuhan, tulakan, sigawan at sari-saring kaguluhan sa labas ng Batasang Pambansa ang makikita tuwing SONA ng Pangulo.

Bawat grupo ay may bitbit na mga bandila at placards.

Sa madalas na pagkakataon, isinasara sa mga motorista ang isang bahagi ng Commonwealth Avenue upang ilaan sa mga protester subalit may hangganan ang lugar ng demonstrasyon dahil naglalagay ng barikada ang mga pulis.

Isa sa highlight ng protesta ang pagsusunog ng effigy ng naka-upong pangulo.

Bukod sa pagsusunog ng effigy, hindi mawawala ang ibat ibang programa ng mga militanteng grupo upang maiparating ang kanilang mga hinaing.

Subalit sa taong ito, kakaiba ang mangyayari dahil sa halip na kilos protesta, kilos suporta ang inihanda ng mga militanteng grupo.

Sa nakalipas na labing limang taon, ito ang unang pagkakataon na hindi gumawa ng effigy ang grupong bayan

Kung dati rati ay mga placards, bandila at naglalakihang effigy ang pinagkaka abalahang gawin ng mga artist na ito kapag malapit na ang SONA, ngayon ay mga paintings na nagpapakita ng pagasa at mga kahilingan para sa kasalukuyang administrasyon ang ginagawa sa main office ng bayan.

Bawat painting ay may kanya kanyang simbolo at ipaparada ito ng mga militantanteng grupo sa mismong araw ng SONA.

Samantala, maging ang ilang mga transport group na madalas laman ng lansangan kapag SONA, pahinga muna ngayong taon.

Umaasa ang mga militanteng grupo na magkakaroon ng katuparan ang kanilang mga hinaing sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

(Mon Jocson/UNTV Radio)

Tags: ,