Mga menor de edad ng Metro Manila, pagbabawalan munang lumabas sa loob ng 2 linggo simula ngayong araw (March 17)

by Erika Endraca | March 17, 2021 (Wednesday) | 5983

METRO MANILA – Tanging mga edad 18-65 lamang ang papayagang lumabas sa kanilang mga tahanan simula ngayong araw (March 17) dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Kaugnay nito, sa pangunguna ng Metro Manila Council at pakikipagtulungan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA naghain ng isang resolusyon ng pagbabawal sa mga minor na may edad 15-17 na lumabas ng kanilang bahay sa loob ng dalawang linggo.

Ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos, pinagkasunduan ng Metro Manila Mayors ang implementasyon nito sa kanilang lugar upang mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit.

Aniya, ang pagpapatupad ng age restriction sa Metro Manila ay dahil sa mabilis na pagtaas ng bilang ng COVID 19 cases sa mga lugar.

Dagdag pa niya, sundin na lamang ang mga minimum health protocols at mas maging maingat lalo ang mga pamilya.

“As I’ve said before, the metro mayors and MMDA are regularly monitoring the COVID-19 numbers and we will implement calibration and changes on our directives depending on the figures that we have,” ani MMDA Chairman Benhur Abalos.

Matatandaan na nagkasundo rin ang Metro Manila Mayors na tanggalin ang age restriction para sa pagpapataas ng ekonomiya ng mga lungsod.

(Jasper Barangan | La Verdad Correspondent)

Tags: