Mga menor de edad na nasangkot sa krimen noong 2018, tumaas

by Jeck Deocampo | January 23, 2019 (Wednesday) | 22920

METRO MANILA, Philippines – Tumaas ang bilang ng mga menor de edad na nasasangkot sa krimen noong 2018 kumpara noong 2017. Base sa tala ng Philippine National Police, ang mga children in conflict with the law (CICL) mula 10,388 noong 2017 ay umakyat ito sa 11,229 noong 2018.

Nangunguna sa mga krimen na madalas kasangkutan ng mga menor de edad noong nakaraang taon ay ang physical injury, theft, malicious mischief, illegal drugs at rape.

Mahigit kalahati rin ang itinaas ng bilang ng mga menor de edad na nasasangkot sa ilegal na droga noong 2018. Mula sa 481 noong 2017 ay umakyat ito sa 857 noong nakaraang taon.

Nanguna ang Metro Manila, Central Visayas, CALABARZON, Central Luzon, Cagayan Valley, Ilocos Region, Soccsksargen, Davao Region, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Western Visayas, Cordillera, MIMAROPA, Caraga, Bicol, Eastern Visayas at ARMM.

Kaya naman pabor si PNP Chief PDG Oscar Albayalde na ibaba sa siyam na taong gulang ang age of criminal responsibility sa halip na 15 taong gulang. Aniya tiyak na mababawasan ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga bata kapag naipasa na ang naturang panukalang batas.
Sinabi pa nito na bukod sa mga bata, dapat na mas mabigat na parusa rin ang ipataw sa mga magulang ng mga menor de edad na nasasangkot sa krimen.


(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , , , , , , , , , ,