Mga may-ari ng recruitment agencies, suportado si Labor Sec. Bello

by Radyo La Verdad | July 31, 2018 (Tuesday) | 2892

Buo ang tiwala at panindigan ng mahigit isang daang POEA-Licensed Recruitment at Manpower Agencies na walang ginagawang katiwalian si Labor Secretary Silvestre Bello III.

Para sa kanila, bahagi lamang ng pagpapabagsak sa reputasyon ng kalihim ang mga alegasyon at reklamong graft and corruption na inihain ni Amanda Araneta, ang may-ari ng MMML Recruitment Agency.

Pakiusap nila, huwag sanang dungisan ng iba ang imahe ng mga recruitment agencies sa bansa.

Hindi aniya lahat ng mga job providers sa mga OFW ay nangingikil at nagbibigay ng lagay sa mga opisyal ng pamahalaan upang makalusot ang kanilang mga paglabag.

Nakahanda naman ang chairman ng Coalition of Licensed Agencies for Domestic and Service Workers Inc. (CLADS) na tumestigo pabor kay Bello sakaling maghain na ng pormal na reklamo ang kalihim laban kay Amanda Araneta.

Plano ng mga opisyales at miyembro ng mga recruitment agency na magsumite ng joint manifesto of support kay Pangulong Duterte upang patunayan na walang inagrabyado si Sec. Bello sa kanilang hanay.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,