Isa sa pinagtutuunan ng pansin ngayon ng Philippine Competitive Commission o PCC ay ang sektor ng agrikultura kasama na ang isyu sa bigas kasunod ng paggalaw sa presyo nito.
Aminado ang National Food Authority na sobrang manipis na ang kanilang stock ng bigas sublit tinitindigan naman ng Department of Agriculture at Office of the President na sapat naman ang kabuoang supply sa bansa.
Noong 2015 pa lamang nabuo ang PCC na ang pangunahin sa mantado ay ang tiyakin na may kompetisyon sa merkado.
Nagbabala ang PCC sa mga negosyanteng sangkot o may balak na magmanipula ng presyo o supply ng bigas. Maari silang pagmultahin ng 100 milyong piso sa unang paglabag pa lamang at posible ring makulong ng 5 hanggang 7 taon.
Samantala, nag-iisip ngayon ang National Food Authority kung paano mahihikayat ang mga magsasaka na sa kanila ibenta ang mga inaning palay para madagdagan ang stock ng NFA.
Ayon sa NFA Council, tatagal pa ng hanggang Hunyo bago dumating ang 250 thousand metric tons na aangkating bigas.
Pero tiniyak naman ng NFA na may natitira pa naman silang supply para sustentuhan ang mga relief operations sa bansa.
( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )