Mga magsasaka sa Luzon na tutol sa rice tariffication bill, magtutungo sa Malacañang ngayong araw

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 12007

Magtutungo ngayong araw sa Malacañang ang ilang kinatawan ng mga magsasaka mula sa iba’t-ibang panig ng Luzon. Nais ng mga ito na makausap si Pangulong Rodrigo Duterte upang i-apela ang pag-veto sa panukalang rice tarrification bill.

Kahapon ay una nang nagtipon ang mga ito sa Mendiola at inilahad ang bukas na liham para sa Pangulo na nais ipinarating ang kanilang pagtuligsa sa panukala at pakiusap na huwag itong lagdaan.

Nangangamba silang malugi sa inaasahang pagdagsa ng imported at murang bigas dahil kapag tuluyang naisabatas ang panukala, wala nang limitasyon sa dami ng pwedeng angkatin ng mga trader.

Nababahala rin ang mga magsasaka na bumagsak ang lokal na industriya ng butil at unti-unting pagkaubos ng magsasakang nagtatanim ng palay dahil sa rice tariffication.

At dahil wala nang limit sa importasyon, maaari din anilang magkaroon ng manipulasyon sa presyo at suplay ng butil sa bansa.

Nitong nakaraang Miyerkules, niratipikahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang rice tariffication bill at inindorso sa Pangulo para malagdaan. Bahagi ng panukala ang paglalaan ng sampung bilyong pisong pondo na ibibili ng mga makinaraya para sa mga magsasaka.

Pero ayon sa grupo, hindi makinarya kundi mga farm input at hybrid na binhi ang kailangan nila.

Samantala, una ng sinabi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na ang taripa na makukuha sa mga imported na bigas ay itutulong din sa mga magsasakang Pilipino.

Dati na ring sinabi ni Senator Cynthia Villar, ang chairperson ng Senate Committee on Agriculture na layon nitong mapababa ang presyo ng bigas sa merkado.

Hindi rin aniya lugi ang mga magsasaka dito dahil inaatasan ang National Food Authority (NFA) sa ilalaim ng rice tariffication bill na bumili ng palay sa mga lokal na magsasaka.

 

( Cathy Maglalang / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,