Mga lokal na opisyal ng Albay, aminadong hirap paalisin ang nga residenteng naninirahan sa permanent danger zone

by Radyo La Verdad | January 18, 2018 (Thursday) | 1633

Kahapon ay bumisita ang ating team sa Albay Provincial Office  upang alamin kung bakit may mga residente pa rin na naninirahan diyan sa itinalagang 6km permanent danger zone, na sa kabila ng panganib na dala ng Bulkang Mayon ay pinapayagan pa rin silang manirahan sa nasabing lugar.

Pero inamin ng City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Legazpi at ng mayor ng Camalig na hindi nila mapwersa ang mga residente sa permanent danger zone dahil diyan nila kinukuha ang kanilang pangunahing ikinabubuhay, walang iba kundi ang pagtatanim ng mga gulay.

Ayon sa Albay Public Safety and Emergency Management Office o APSEMO, ang bawat lokal na pamahalaan sa kanilang lalawigan ay mayroon nang mga inihandang resettlement area, kung saan dito maaring lumipat ang mga residenteng naninirahan sa 6 kilometer permanent danger zone.

Nakausap natin kahapon ang city officer ng Disaster Risk Reduction and Management Office at ang Alkalde ng Legazpi City, at aminado sila na hindi nila mapilit ang mga residente na tuluyang lumipat sa mga resstlement areas, dahil na rin umano sa kawalan ng lupa na maaring nilang mapagtaniman na siyang pangunahing ikinabubuhay ng mga taong  nakatira sa permanent danger zone.

Bukod pa riyan, titulado rin umano ang lupa sa loob ng 6km PDZ kaya naman hindi umano talaga mapwersa ang mga ito na umalis sa lugar.

Sa ngayon anila ay wala pa rin silang umiiral na ordinansa hinggil sa mahigpit na pagbabawal o pagpaparusa sa mga residenteng magpipilit na manirahan sa pemanent danger zone. Kagabi ay muli na naman nasaksihan ang pagbuga ng lava mula sa bunganga ng Bulkang Mayon at patuloy pa rin ang pagbuga nito ng makapal na abo.

Samantala, ngayong araw nakatakdang magsagawa ng press briefing ang mga opisyal ng PHILVOCS, NDRRMC at Albay Public Safety and Emergency Management Office hinggil sa naging resulta ng isinagawa nilang aerial survey kahapon sa paligid sa Bulkang Mayon.

Inaasahang malalaman natin mamaya ang kasalukuyang estado o aktibidad nitong bulkan, upang matukoy kung malaki pa rin ba ang posibilidad ng pagsabog nito.

Ngayong araw ay inaasahan ring dadating si Presidential Spokesperson Harry Roque upang kamustahin ang kalagayan ng mga ating mga kababayan na apektado ng pagaaluburuto ng bulkan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,