Mga larawang kuha ng ilang displaced Yolanda survivors, tampok sa photo exhibit sa Cebu City

by Radyo La Verdad | November 9, 2018 (Friday) | 10223

Limang taon na ang nagdaan matapos manalasa ang Bagyong Yolanda sa Visayas Region sa bansa partikular na sa Tacloban City. Tinatayang aabot sa mahigit anim na libong indibidwal ang nasawi at marami ang nawalan ng tirahan.

Bilang pagbalik tanaw, isang buwang long photo exhibit ang binuksan kahapon sa Cebu City na may temang YolandaRetold: A Demi-Decade in Danger Zone.

Tampok dito ang mga larawang kuha mismo ng ilang Yolanda displaced survivors sa Tacloban City na nagpapakita ng kanilang mga istorya, paghihirap at mga mithiin makalipas ang limang taon.

Kasama sa exhibit ang mga larawang kuha ng labing walong taong gulang na si John Rey Dela Rosa.

Ang pamilya ni John ay kabilang sa mga residenteng naninirahan sa Barangay 68, Anibong District sa Tacloban City na idineklarang tsunami hazard zone.

Layunin ng exhibit na ito na maiparating sa mga tao at pamahalaan ang kalagayan ng mga Yolanda survivor na nananatiling hirap at wala pa ring permanenteng tirahan.

Sa tala ng National Housing Authority (NHA), mula sa target nitong mahigit dalawang daang libong units, nasa 92,080 units pa ang nakukumpleto at aabot sa 59,420 units pa lamang ang natutuluyan.

 

( Gladys Toabi / UNTV Correspondent )

Tags: , ,