Mga kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng pangingisda sa West Philippine Sea, mahirap maituring na formal agreement ayon sa mga Senador

by Erika Endraca | July 3, 2019 (Wednesday) | 8814

MANILA, Philippines – Naniniwala ang ilan sa mga senador na mahirap maituring na isang formal agreement ang naging paguusap umano nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping ukol sa pangingisda sa West Philippine Sea.

Ayon kay Senator Panfilo Lacson, hindi maaaring maituring na bahagi ng polisiya ng pamahalaan ang nasabing kasunduan.

Dahil hindi naman makikitang ipinatutupad ito ng department of foreign affairs at ng department of national defense na minsan pa nga ay nagkakaiba ng posisyon ang dalawang ahensya sa isyu sa west philippine sea.

Sa ilalim umano ng naturang kasunduan, pinapayagang mangisda ang mga chinese sa Philippine’s Exclusive Economic Zone o EEZ.

Sinabi rin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dahil sa kasunduan na ito pinapayagan na mangisda ang mga pilipino sa panatag shoal o scarborough shoal kung saan dito mahigpit ang pagharang ng china.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, hindi iyon maituturing na isang formal agreement.

Dahil ayon sa constitution anomang treaty o international agreement na pinapasok ng pamahalaan ay kinakailangang may pagsang-ayon muna ng senado.

Para kay Senator Franklin Drilon, na dating nagsilbing justice secretary, mahirap masabing ground for impeachment ang pinasok na ito na verbal agreement ng pangulo.

“Tell me if it is a ground for impeachment. How do you prove a verbal agreement in this case the primary evidence would either be a document signed or a verbal testimony? There is no document” ani Senator Franklin Drilon.

Kaugnay naman ng recto bank incident, inaasahan na ng senador ang pagtanggi ng china sa third party na mag-iimbestiga sa paglubog ng filipino vessel.

“Remember they claiming this as their territory for them to agree to a third-party arbiter would derogate on their claim “ ani Senator Franklin Drilon.

Para kay Senator Ralph Recto, hindi na naman talaga kailangan ang third party o kahit second party na mag-iimbestiga ukol doon.

Kahit sabihin aniya na mahirap pigilan ang chinese fishermen sa eez ng bansa, tungkulin pa rin ng pamahalaan na protektahan ang mga pilipino sa lugar.

(Nel Maribojoc | Untv News)

Tags: , ,