Matapos ang ilang buwang operasyon ng NBI, naaresto ang suspek na ito na nagpapanggap umanong mataas na opisyal ng gobyerno upang makakuha ng pera sa mga negosyante.
Kinilala ang suspek na si Vimbi Flores Avilla, na naaresto sa isang restaurant sa San Pedro City, Laguna sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Manila RTC para sa kasong attempted murder.
Ngunit bago ito, naaresto muna ng NBI sa isang entrapment operation ang kasamahan nitong si Jerico Jay Sauco na nagpasyang makipagtulungan sa mga otoridad.
Kwento ni Jerico, nakisosyo umano sa kanilang negosyo si Avilla at idineposito sa kanyang account ang umano’y share nito na kinalaunan ay natuklasan nilang galing pala sa mga nabibiktima nito.
Isa umano sa mga biktima ni Avilla ang isang bangko na hiningan nito ng isang milyong piso para sa victory party ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpakilala umano ang suspek bilang si dating NIA Chief Peter Laviña na noon ay campaign spokesperson ni Duterte.
Nang suriin ang celfon nito, natuklasan din ng NBI na nakakuha rin ito ng 950-thousand pesos sa isang negosyante matapos magpanggap bilang si DOTr Sec. Art Tugade.
Base sa record ng NBI dati na rin itong naaresto dahil sa pangingikil sa isang business tycoon matapos magpanggap bilang si dating Vice President Jejomar Binay ngunit nakapagpIyansa at nakalaya.
Tumangging magkomento sa alegasyon ang suspek dahil nais muna nitong makausap ang kanyang abogado.
Sasampahan ng kasong estafa ang mga naarestong suspek habang patuloy na inaalam ng NBI ang iba pang mga kasabwat nito.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: dating NIA Chief Peter Laviña, makapangikil, Mga impostor, NBI