Mga iba’t-ibang grupo, nag-rally sa Edsa para kondenahin ang pagpatay kay Kian Delos Santos

by Radyo La Verdad | August 22, 2017 (Tuesday) | 1941

Sa kabila ng masamang panahon, sumugod ang iba’t-ibang grupo sa Edsa People’s Power Monument kagabi. Sigaw nila ang hustisya para sa grade 11 student na si Kian Delos Santos na napatay ng mga pulis sa isang operasyon sa Caloocan noong nakaraang Linggo at iba pa umanong inosenteng biktima ng extra judicial killings.

Ayon sa mga ito, susundan pa nila ito ng mas marami pang protesta hanggang sa makamit ng mga biktima ang hustisya.

Samantala, naglakad naman ang mga kaanak ni Kian at iba pang Human Rights Advocates mula Sta. Quiteria Church hanggang sa lugar kung saan napatay ang binatilyo.

Ngunit bago makarating sa lugar, saglit na huminto ang mga ito sa tapat ng isang police station na nadaanan at naglabas ng kanilang mga hinaing.

Kasamang nakisa sa kilos protesta sina dating Congressman Neri Colmenares at Alliance of Concerned Teachers Party-list Representative Antonio Tinio.

 

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,