Mga eskwelahang nagbigay ng tulong at nabigyan ng tulong, itinampok sa Serbisyong Bayanihan

by Radyo La Verdad | December 3, 2020 (Thursday) | 2085

METRO MANILA – Nabalitaan ni Miss Thelma Magtoto, isang guro sa Angeles City National High School, na marami ang nangangailangan ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Cagayan. Kaya naman nanawagan siya sa kanyang Facebook account upang makalikom ng donasyon.

Marami ang tumugon at nagbahagi ng tulong lalo na sa kanyang mga kapwa guro sa Angeles City. Nakipag ugnayan si Miss Magtoto sa UNTV upang maipadala ang kanilang mga tulong sa mga kababayang nasalanta sa Cagayan.

Humiling naman ng Water Tank si Miss Shalimar Pilapil, isang guro, para sa mga mag aaral at magulang ng Gonzalo Aler National High School sa Camarines Norte.

“Minsan nakikiigib lang sa labas ng eskwelahan, kung saan mayroong malapit na patubig, minsan nagdadala ng tubig na nakalagay lang sa bote, upang kung sila ay maihi ay mayroon silang pambuhos sa banyo,” ayon kay Miss Pilapil.

Ipinagkaloob ang hiling na water tank noong nakaraang Setyembre sa pamamagitan ng Serbisyong Bayanihan at ng BRead Society International.

Ayon pa kay Miss Pilapil, napakalaking tulong ng water tank sa kanilang paaralan lalong lalo na ngayong may pandemya kung saan kailangan nila ng maayos na daloy ng tubig.

(Beth Plrs | La Verdad Correspondent)

Tags: