Mga barangay tanod na nagbitbit ng baril at nagbigay ng maling impormasyon sa pulis, kasama sa iimbestigahan ng NCRPO

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 7295

Tatlumpu’t isang empty shell at limang slug ang nakuha sa crime scene na tumama sa puting Mitsubishi Adventure kung saan nakasakay ang sugatang si Jonalyn Ambaon. Kasama ni Jonalyn ang anim na nagmalasakit na dalhin siya sa ospital matapos mabaril nang hindi pa nakikilalang suspek sa Welfareville brgy. Addition Hills.

Subalit pagdating sa bahagi ng Old Wack Wack, Shaw Blvd., sinabi ni Mhury Jamon na bigla silang pinaputukan ng mga tanod hanggang sa dumating na ang mga pulis. Sa pitong sakay ng puting Adventure, patay si Jonalyn at isang Jomar Hayawon, sugatan ang 2 sa mga ito at ligtas naman ang tatlo.

Tumangi namang magbigay ng pahayag ang mga tanod ngunit ayon kay DILG OIC Catalino Cuy, hindi otorisadong magdala ng baril ang mga ito. Kaya naman sinabi ni NCRPO Chief PDir. Oscar Albayalde na kasama sa iimbestigahan nila ang mga barangay tanod sa pagdadala ng baril at pagbibigay sa mga pulis ng maling impormasyon.

Ang PNP Internal Affairs Service, agad na nagtungo sa Mandaluyong Police Station upang imbestigahan ang mga pulis na sangkot sa insidente.

Agad namang inalis sa pwesto ni Gen. Albayalde si Mandaluyong Chief of Police PSSupt. Moises Villaceran at 10 pang tauhan nito. Isinailalim din sa paraffin test at ballistic test ang service firearms ng mga ito.

Kinondena din ng alkalde ng Mandaluyong ang ginawa ng mga tanod at agad na sumulat sa barangay chairman.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,