Mga naperwisyo ng baha sa Masantol, Pampanga, tinulungan ng MCGI at UNTV

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 5426

MASANTOL, Pampanga – Halos isang buwan nang lubog sa tubig baha ang bayan ng Masantol sa lalawigan ng Pampanga. Dulot ito ng mga pag-ulan na dala ng habagat na sinabayan pa ng high tide.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim pa rin itong nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pinsala ng pagbaha.

Ayon sa mga residente, matagal anilang bumaba ang tubig sa kanilang lugar kaya nasanay na silang magpatuloy sa kanilang pang-araw-araw na gawain sa kabila ng kanilang sitwasyon. Ngunit hirap pa rin sila sa kanilang mga paghahanap-buhay kaya madalas ay umaasa na lamang sa tulong ng pamahalaan.

Kaya naman sa layuning makatuwang sa mga kakabayan natin na sinalanta ng kalamidad, muling namahagi ng relief goods ang mga volunteer mula sa Members Church of God International (MCGI) at UNTV News and Rescue Team sa higit limang libong mga pamilya na apektado sa lugar.

Magkatuwang na nagrepack ng foodpacks ang mga grupo at kada plastic bag ay naglalaman ng lutong pagkain, bigas, noodles, kape, biskwit at iba pa.

Kinailangan pa ng grupo na sumakay ng bangka upang maihatid ang mga relief goods patungo sa munisipyo kung saan tinipon ng alkalde ang mga residente para sa pamamahagi ng tulong.

Labis namang ikinagalak ng ating mga kababayang kapampangan at ng alkalde ng masantol ang ayuda na kanilang natanggap mula sa MCGI at UNTV.

Nangako naman ang UNTV at MCGI sa mga kababayan nating kapampangan na mananatiling handa ang grupo na tumulong sa oras ng pangangailangan.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,