Mga akusasyon hinggil sa kredibilidad ng isinasagawang quick count, pinabulaanan ng PPCRV

by Radyo La Verdad | May 16, 2016 (Monday) | 2374

JOAN_de-Villa
Dumipensa ang pamunuan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV, laban sa mga akusasyon sa kanilang grupo ng dating miyembro ng COMELEC advisory council na si Atty.Rogelio Quevedo.

Kinukwestyon ni Atty. Quevedo ang umano’y kaduda-dudang relasyon ng PPCRV sa smartmatic, kung saan sinabi nito na tila ipinagtatanggol pa ng PPCRV ang smartmatic sa isyu ng pagpapalit ng hash code sa computer command.

Ipinahayag rin ng abogado, na isang opisyal ng PPCRV ang sinasabing may koneksyon umano at dati ng nagta-trabaho sa Smartmatic.

Pinabulaanan naman ni PPCRV National Ambassador Henrietta de Villa ang mga paratang ng abugado, na tila ang kanyang anak na si Ma.Anna de Villa Singson ang tinutukoy nito.

Samantala, makikipagugnayan na rin ang PPCRV sa COMELEC hinggil sa kung dapat pa nilang ipagpatuloy ang iquick count sa resulta ng halalan.

As of 3:45pm kanina, nasa 96.13% na ang transmission rate ng mga boto na pumapasok sa transparency server.

Aniya, sa oras na ipagutos ng COMELEC na itigil ang quick count ay susundin naman ito ng PPCRV.

Nanawagan rin ito sa kampo nila Camarines Sur Representative Leni Robredo at Senator Bong-bong Marcos iwasan muna ang pagdedeklara ng kanilang pagkapanalo lalo’t hindi pa rin naman natatapos ang bilangan ng boto.

Sa pagtaya ng PPCRV,nasa mahigit kalahating milyon pa ng mga boto ang hinihintay pa rin hanggang sa ngayon na maitransmit sa server, kung saan malaki pa ang posibleng maging epekto nito particular na sa vice presidential race.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,