Mga ahensya ng pamahalaan, pinagsusumite na ng kani-kaniyang budget proposal para sa 2019

by Radyo La Verdad | January 11, 2018 (Thursday) | 4698

Hanggang mid-April 2018 ang deadline ng mga ahensya ng pamahalaan para isumite ang kanilang budget proposals para sa taong 2019.

Target naman ng Duterte administration na maisumite sa kongreso ang proposed 2019 national budget sa July 23, 2018. Ito ang mismong araw ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa Development Budget Coordinating Committee, nasa 3.4 trillion pesos ang approved budget level para sa susunod na taon.

Samantala, nilinaw ng DBM na hindi pa prayoridad ng pamahalaan ngayon ang dagdag na sahod para sa mga public school teacher, ito ay sa kabila ng anunsyo ng Malakanyang kamakailan na target ding taasan ang sahod ng mga ito kung maipapasa ang second tax reform package.

Hindi rin kakayanin na doblehin ang basic pay ng public school teachers dahil kinakailangan na ng kalahating trilyong pisong pondo para 600 libong mga guro sa buong bansa na katumbas na ng kalahati ng ating national budget.

Sinabi ni Sec. Diokno na posibleng magkaroon ng taas sahod sa mga guro kung makatwiran batay sa gagawing pag-aaral at pagkatapos nang maipatupad ng buo ang umiiral na salary standardization program ng pamahalaan sa loob ng dalawang taon.

Para naman sa high school principal na si Emmanuel Soriano, kahit hindi pa doblado ang tinatanggap na sweldo gaya ng matatanggap ng mga pulis at sundalo,  natutuwa pa rin sila sa hangarin ng pamahalaang dagdagan ang mga benepisyo ng mga guro.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,