Mga agarang reporma upang resolbahin ang mataas na inflation rate sa bansa, inilatag ng economic managers

by Radyo La Verdad | September 6, 2018 (Thursday) | 7472

Nagpulong kahapon ang mga miyembro ng economic development cluster ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte upang pag-usapan at ilatag ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan upang maresolba ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na ng pagkain.

Ito ay dahil naitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Agosto ang pinakamataas na inflation rate sa loob ng siyam na taon. Umakyat ito 6.4 percent mula sa 5.7 percent noong buwan ng Hulyo. Malaki ang epekto sa inflation ng mataas na presyo ng bigas, isda, karne, gulay at langis sa pandaigdigang merkado.

Kabilang sa mga napagkasunduan sa pulong ng mga economic managers ang pagpapatupad ng mga mitigating measures o mga hakbang upang mapababa ang inflation. Target nitong agad na mapababa ang presyo ng mga bilihin.

Una rito ang pagbibigay ng Department of Agriculture (DA) ng certificates of imports sa mga wet market sa Metro Manila para mas madaling makapag-angkat ng isda ang mga importer.

Pamamahagi sa mga pamilihan sa buong bansa ng 4.6 milyong sako ng bigas ng NFA at pag-angkat ng karagdagan pang 5 milyong sako ng bigas para sa susunod na isa’t kalahating buwan.

Sa Zambasulta area, 2.7 milyong bigas ang ilalaan upang solusyonan ang rice shortage doon.

Irerekomenda rin ng economic managers kay Pangulong Duterte na maglabas ng direktiba upang gawing simple ang licensing procedures sa rice imports ng NFA.

Ayon naman kay Budget Secretary Benjamin Diokno, kailangan ding maipasa ng Kongreso ang Rice Tariffication Act dahil kung hindi, asahan na aniya ang patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa.

Pabibilisin naman ng pamahalaan ang pagpapatupad ng mitigating measures para sa mga lubhang apektado ng inflation sa bansa tulad ng unconditional at conditional cash transfers ngayong taon hanggang sa 2020.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,