Metro Manila, sasailalim na sa COVID-19 Alert Level 3 simula October 16

by Erika Endraca | October 14, 2021 (Thursday) | 10375

METRO MANILA – Kasunod ng patuloy sa pagbaba ang COVID-19 cases sa bansa, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mas mababang COVID-19 alert system sa Metro Manila.

Mula October 16 – 31, 2021, alert level 3 na ang iiral sa National Capital Region.

Batay sa panuntunan ng IATF, nasa Alert Level 3 ang mga lugar na mataas o pataas ang bilang ng COVID-19 cases at mataas din ang utilization rate ng total bed at intensive care unit.

Sa ilalim ng alert level 3, pinapayagan ang movement ng mga tao liban na kung may ipinatutupad na age at comorbidity restrictions ang nakakasakop na lokal na pamahalaan.

Maaari ang intrazonal at interzonal travel gayundin ang individual outdoor exercises anoman ang vaccination status.

Sa ilalim ng alert level 3, mas marami ang makakapagtrabaho dahil mas maraming establisyimento at business activities ang pahihintulutan liban na sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdowns.

Maximum 30% on-site venue o seating capacity para sa fully vaccinated at 50% outdoor venue capacity ang pinahihintulutan para sa venues ng meetings, incentives, conferences, exhibitions, permitted venues para sa social events, visitor o tourist attractions tulad ng libraries, museums, galleries, amusement parks o theme parks, recreational venues, cinemas at movie houses, limited face-to-face o in-person classes para sa higher education at technical-vocational education and training, in-person religious gatherings, gatherings para sa neurological services, wakes, inurnment, licensure o entrance examinations, dine-in services, personal care establishments, fitness studious, gyms, film, music at television production.

Ang mga ahensya rin ng pamahalaan, mananatiling fully operational subalit limitado rin sa 30% on-site capacity at may work-from-home at flexible arrangement.

Gayunman, ipinagbabawal ang mga business establishment at activities na itinuturing na high-risk sa hawaan ng COVID-19 tulad ng face-to-face classes sa basic education liban na ang mga aprubado ng IATF, contact sports, funfairs o perya, kid amusement industries, venues na may live performers at audiences, casinos, horse racing, cockfighting, at mga pagtitipon sa mga bahay ng mga indibidwal na hindi magkakasama sa kaparehong household.

Samantala, mananatili naman ang community quarantine classification sa mayoryang bahagi ng bansa.

Labing isang probinsya ang sasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) kabilang na ang Bulacan, Bataan, Cavite, Rizal, Laguna at iba pa.

Samantalang General Community Quarantine with Heightened Restrictions naman sa 23 lugar sa bansa gaya ng abra, Baguio City, Ilocos Sur, Pangasinan, Cagayan, Isabela, City of Santiago, Nueva Vizcaya, Quirino, Quezon, Batangas, Bacolod City, Capiz, Lapu-Lapu City, Negros Oriental, Bohol, Zamboanga del Sur, Misamis Oriental, Cagayan de Oro City, Davao del Norte, Davao Occidental, Davao de oro, Butuan City at Surigao del Sur.

GCQ naman at MGCQ ang mayoryang bahagi ng bansa.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,