METRO MANILA – Pumapalo sa mahigit 8,000 – 14,000 ang COVID-19 cases sa buong bansa mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila noong August 6 hanggang kahapon, August 19.
Sa kabila ng mataas na daily covid-19 cases sa kapitolyo, downgraded na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang quarantine status sa NCR gayundin sa probinsya ng Laguna simula August 21-31, 2021.
Simula naman sa August 23, sasailalim din sa kaparehong community restrictions ang Bataan na kasalukuyang nasa ECQ pa.
Gayunman, dapat magpatupad ng istriktong granular lockdowns sa NCR, Laguna at Bataan kung kinakailangan.
Inaatasan naman ang mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na ito na paigtingin pa ang kanilang vaccination efforts, gayundin ang prevent-detect-isolate-treat-reintegrate o pditr strategies at ang pagpapatupad ng minimum public health standards.
Sa ilalim ng MECQ, hindi pa pinapayagan ang operasyon ng indoor at al-fresco dine-in services, personal care services gaya ng beauty salons, parlors, barbershops at nail spas.
Mananatili ring virtual ang religious gatherings.
Samantala, ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hati ang IATF kung dapat bang panatilihin ang ECQ o luwagan na sa MECQ.
Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataon na idinaan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa secret balloting ang desisyon para sa quarantine status sa NCR, Laguna at Bataan.
Ayon sa palace official, ipinunto ng mga sumuporta sa MECQ na kahit ipinatutupad ang pinakamahigpit na community restrictions ay tila hindi na umano ito gumagana sa mga kababayan kaya dapat na anilang baguhin ang taktika.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: Bataan, IATF, Laguna, MECQ, Metro Manila