METRO MANILA – Bilang tugon sa panawagan ng medical societies na muling higpitan ang community quarantine sa Mega Manila, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling ipatutupad ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at mga kalapit probinsya.
Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na balik MECQ na ang National Capital Region, at mga probinsya ng Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal simula hatinggabi ng August 4 hanggang August 18, 2020.
Sa ilalim ng MECQ, mahigpit na ipatutupad ang home quarantine sa lahat ng households at limitado ang paggalaw ng mga residente sa pag-access ng mahahalagang serbisyo at trabaho.
Mayroong mga industriyang pinahihintulutang makapag-operate ng full capacity gaya ng mga ospital, health at emergency services, manufacturers ng mga gamot, medical supplies at equipment, mga industriyang may kinalaman sa agrikultura, forestry at fishery at delivery at courier services, media establishments, business process outsourcing, e-commerce companies, at iba pa .
Subalit mas marami namang establisyimento ang limitado lamang sa 50% ang kanilang operational capacity.
Gaya ng ibang manufacturing industries kaugnay ng beverages, electrical machinery, wood products at furniture, non-metallic products, textiles at clothing, wearing apparels, iba pang real estate activities, administrative at office support, iba pang financial services, legal at accounting services, at iba pa.
Pinahihintulutang mag-operate partially ang mga mall at mga commercial center na walang kinalaman sa leisure activities.
Samantalang ang mga ahensya naman ng pamahalaan kabilang na ang mga government owned and controlled corporations at mga lokal na pamahalaan ay mago-operate sa ilalim ng skeleton workforce at alternative work arrangements.
Suspindido rin ang public transportation at ang mga kumpanya ang dapat na mag-provide ng shuttle services para sa kanilang empleyado.
Lahat ng may edad 21 pababa gayundin ang mga may gulang 60 pataas lalo na ang mga may karamdaman, at mga buntis ay kinakailangang manatili sa loob ng bahay liban na kung may importanteng gagawin sa labas.
Bawal ang anumang mass gatherings at ang pagtitipon na pahihintulutan lamang ay ang mga may kinalaman sa critical government services at authorized humanitarian activities.
Maaari ang religious gatehrings pero limitado lamang sa limang tao.
Hindi papayagang mag-operate sa MECQ areas ang tourist destinations, entertainment industries, kid amusement industries, libraries, museums, gyms, fitness studios, sports facilities at personal care services.
Limitado rin ang individual outdoor exercise na pahihintulutan tulad ng walking, jogging, runing at biking.
Gayunman, binigyang-diin naman ni Pangulong Duterte na wala nang pondo ang pamahalaan para sa panibagong ayuda sa mga Pilipino.
“Remember Filipinos, the time of giving, the assistance or the stipend or allowance is no longer there, we cannot give you that anymore, tapos na yun. ” ani Pangulong Rodrigo Duterte.
(Rosalie Coz |UNTV News)