Metro Manila at 7 pang lugar sa bansa, nasa ilalim ng GCQ sa buong buwan ng Disyembre

by Erika Endraca | December 1, 2020 (Tuesday) | 1887

METRO MANILA – Inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panibagong round ng quarantine classification na ipatutupad sa buong bansa mula December 1 – 31, 2020.

Nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila, Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao Del Sur, Iligan City, Davao City at Davao Del Norte.

Samantalang ang mayoryang bahagi naman ng bansa ay sasailalim sa modified General Community Quarantine (MGCQ).

Hinikayat naman ni Health Secretary Francisco Duque III ang lahat ng ahensya ng pamahalaan at ang mga LGU na paigtingin ang pagpapaalala at pag-ibayuhin ang pagiingat ng publiko ngayong holiday season.

Pinaalalahanan din ng kalihim at ni Interior Secretary Eduardo Año ang lahat na iwasan na ang malalaking pagtitipon. Bawal ang party, caroling at mass gathering.

“Mabuting manatili sa bahay, at magkaroon lamang ng maliit na salo-salo kasama ang immediate family members upang maiwasan tayong mahawa at ang ating mga kapamilya” ani DOH Secretary Francisco Duque III

“Yun pong family reunion ay considered mass gathering, katulad po ng sinabi ni sec. Duque, immediate family lang sana ang magcelebrate ng christmas together at kailangan po ang minimum health standard ay ipatutupad “ ani DILG Sec. Eduardo Año.

Dagdaga pa ni health secretary duque, inihahanda na ng kagawaran ang mga pasilidad nito sa posibilidad ng pagdami ng coronavirus cases pagkatapos ng holiday.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Duterte na ang panangga laban sa infectious disease ay ang madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, at pananatili na lamang sa loob ng bahay.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,