Meralco, sasagutin muna ang convenience fee sa Meralco App hanggang matapos ang GCQ

by Erika Endraca | July 7, 2020 (Tuesday) | 1779

METRO MANILA – Sasagutin na muna ng Meralco ang P47  na convenience fee na pinababayaran sa mga customer na gumagamit ng kanilang online app hanggang matapos ang pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ).

Ito ang tugon ng power distribution company sa panawagan ng mga senador na palawigin pa ang hindi paniningil ng convenience fee upang mahikayat ang mga customer nito na magbayad na lamang online dahil sa tumataas na kaso ng covid-19 sa bansa.

“We will extend the waiver of convenience fee for the entire duration of the GCQ. So, until GCQ is terminated or moves to the new normal, if you will, we will spare the consumer the cost of the convenience fee.” ani Meralco President & CEO, Ray Espinosa.

Ayon sa Meralco, pinag-aaralan na rin nila ang posibilidad na magkaroon ng sariling online payment facility upang hindi na umasa sa third party app kung saan napupunta ang sinisingil nilang convenience fee.

Pero may pangamba naman dito ang Energy Regulatory Commission (ERC).

“If the cost is absorbed by Meralco and in the end it will be a pass-on charge, it will still become part of the opex, then everybody will be sharing the cost of this even if you dont avail of the paymaya.” ani Energy Regulatory Commission Chairperson Agnes Devanadera.

Pero ayon sa Meralco, hindi nila ipapasa sa customer ang bayarin at dadaan sa pagsusuri ng ERC ang kanilang online payment platform.

Samantala, humingi na ng paumanhin ang pamunuan ng Meralco sa nangyaring “bill shock” sa mga customer nito.

Ito’y matapos kwestiyunin ng mga senador ang nakalilitong komputasyon ng Meralco sa bill ng kanilang mga customer.

Maging si Senator Sherwin Gatchalian na siyang chairman ng Energy Committee, nalito sa natanggap na bill.

Umabot na rin sa  100 reklamo ang natanggap ng kanyang opisina laban sa Meralco.

Habang ang ERC naman, nasa 47,000 ang natanggap na reklamo patungkol sa electric bills ng iba’t ibang distribution utility.

ayon sa erc, hindi nasunod ng meralco ang kanilang direktiba na dapat malinaw na nakalagay sa bill ang estimated at actual reading.

Dapat din ay mayroong hiwalay na bill para sa komputasyon ng monthly installments.

Tugon ng Meralco, agad silang magpapadala ng personalized letters sa bawat customer upang maipaliwanag ang estimated bill at ang actual bill.

Magdadagdag din aniya ang Meralco ng call center agents upang mabilis na makatugon sa mga reklamo.

Dagdag ng Meralco, maaari na rin aniyang makakuha ng refund ang mga customer na nagbayad ng buo pero gustong mag-avail ng monthly installments.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: