Meralco: Hindi lahat ng customers ay sakop ng P4.4-B na refund

by Jeck Deocampo | February 15, 2019 (Friday) | 2558

METRO MANILA, Philippines – Nilinaw ng Manila Electric Company (Meralco) na hindi lahat ng customer nila ay entitled o may karapatan sa 4.4 bilyong piso na refund na ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) na maibalik hanggang Hunyo.

Kaya naman hindi dapat umasa ang mahigit anim na milyong customer ng Meralco na makakatanggap pa sila ng refund.

Nilinaw ng kumpanya na malaking bahagi na ng ipinag-utos sa kanila ng ERC na ma i-refund ay naibalik na nila sa halos lahat ng kanilang mga customer.

Taong 2003 nang bumuo ng refund management task force ang Meralco upang tutukan ang refund sa mga consumer. 

Paglilinaw ng tagapagsalita ng Meralco na si Joe Zaldarriaga, “We finished it. So, nabigay na ang malaking bahagi nito… naibalik na namin halos lahat sa 32-billion refund.”

Ayon sa Meralco, noong 2002 nang magdesisyon ang Korte Suprema na kailangang maibalik ng electric company ang 32 bilyong piso na income tax na nasingil nito sa mga customer.

Matapos nito ay unti-unti na anilang ibinalik ang dapat maisauli mula 2002 hanggang ngayong taon. Tiniyak ng Meralco na ang mga aktibong customer ay nakatanggap na ng refund sa paraan na nabawas na ito sa mga nagdaang electric bill.

Ang 4.4 bilyong pisong ipinag-uutos ng ERC na maibalik hanggang Hunyo ay mula na lamang sa mga terminated account at mga hindi aktibong customer.

“Mayroon pa rin terminated account na entitled sa refund at ‘yan ang ating hinahanap ngayon,” ani Zaldarriaga.

Marami sa mga nabanggit na account ay hindi na mahanap ng Meralco kung kaya’t mahirap na maibigay ang refund.

Kung sa tingin naman ng isang customer ay hindi pa sila nakakatanggap ng refund, maaari silang mag-inquire sa Meralco upang malinawan ito.

Ang kaso ng bilyong refund ng Meralco ay nagsimula noong 1997 nang kontestahin ng mga pribadong grupo na hindi dapat isinasama sa operational expenses ng utility company ang kanilang income tax.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , ,