Patong-patong na dagdag singil sa kuryente ang naka-ambang ipatupad ng Manila Electric Company sa mga susunod na buwan.
Kabilang dito ang feed in tariff, ancillary charges at generation charge.
Nais ng mga consumer group na magpatupad ang Energy Regulatory Commission ng moratorium sa lahat ng mga dagdag singil.
Subalit ayon sa ERC, tuloy na tuloy na ang mga dagdag singil.
Ang ancillary charges na ipinagpaliban ang pagpapatupad sa Mayo ay ipapataw na sa buwan ng Hunyo.
Ito ay ang binabayarang serbisyo ng mga consumer upang mapanatiling maayos ang supply ng kuryente.
Ang feed in tariff naman ay maisasama na sa bill ng mga consumer ngayong buwan habang dagdag singil naman sa generation charge na dulot ng mainit na panahon ang naka amba sa Mayo
Maging ang dagdag singil mula sa mga Interruptible Load Program o I-L-P participants ay sisingilin rin ng Meralco sa mga consumer.
Bunsod nito, isang kilos protesta ang isinagawa ng grupong Freedom from Debt Coalition o FDC sa harap ng tanggapan ng ERC upang hilingin na pagaralang mabuti ang mga nakaambang dagdag singil.
Ayon sa ng FDC, tila hindi ginagawa ng ERC ang kanilang mandato na protektahan ang kapakanan ng mga consumer.
Ang consumer group na Citizen Watch, nais namang maglabas ng transparent na ulat mula sa Department of Energy.
Anila, kung magkakaroon ng transparency makikita agad ng mga nagbabantay kung makatwiran ba ang mga ipatutupad na dagdag singil sa kuryente.
(Mon Jocson/UNTV NEWS)
Tags: Citizen Watch, Department of Energy, Energy Regulatory Commission, Freedom from Debt Coalition, Manila Electric Company