Nasa Kuwait ngayon ang Philippine delegation na pinangungunahan nina Labor Secretary Silvestre Bello III at Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque upang resolbahin ang mga kinakaharap na labor issues doon.
Sa isang press conference na isinagawa kagabi, ibinalita ni Sec. Roque na nagkasundo na ang Kuwaiti government at Pilipinas sa mga ilalagay na probisyon sa memorandum of agreement (MOA) para sa proteksyon ng mga overseas Filipino workers (OFW) sa bansa. Nakatakda aniya itong lagdaan bukas, ika-11 ng Mayo.
Nakapaloob dito ang mga kundisyon na una nang inisa-isa ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang maisama sa kasunduan.
Kabilang dito ang hindi pagkumpiska ng mga employer sa pasaporte ng mga OFW, pagbibigay ng isang araw na day off sa mga ito bawat linggo, sapat na tulog at wastong pagkain. Hindi rin dapat ipagbabawal sa kanila ang paggamit ng cellphone.
Ayon kay Sec. Roque, may binuo na ring 24/7 Special Police Unit ang Kuwait na siyang tutugon sa mga ulat ukol sa mga distressed OFW.
Samantala, pinalaya na rin umano ang apat na Pilipinong driver na kasama ng embassy officials sa kontrobersyal na rescue mission ng embahada kamakailan.
Bukod dito ay maaari rin anilang umuwi ang nasa 600 pang mga distressed OFW sa Kuwait. Nasa isandaan at limampu sa mga ito ay kasama nang babalik ng Philippine delegation.
Ngayong araw ay inaasahan namang darating sa Kuwait ang bagong talagang special envoy to Kuwait na si Abdullah Mama-O para sa pinal na pag-uusap bago lagdaan ang MOA.
( Mirasol Abogadil / UNTV Correspondent )