MECQ sa NCR plus, premature pang sabihin kung luluwagan o palalawigin – Malakanyang

by Erika Endraca | April 23, 2021 (Friday) | 3011

METRO MANILA – Hindi na umaabot sa 10,000 ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga nakalipas na araw at kahapon (April 22) , nasa 8,767 ang nadagdag na COVID-19 cases.

Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa rin satisfied ang gobyerno sa bilang na ito at dapat pang bantayan kung ano ang kahihinatnan ng COVID-19 situation.

Sa ngayon, wala pang katiyakan kung luluwagan na ba o pananatilihin pa rin ang umiiral na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan.

“Sa ngayon po I think premature na mag-speculate kung ano magiging classification natin. Ang importante po palagi, tingnan iyong daily attack rate, 2-week average attack rate at saka iyong healthcare utilization rate.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Kabilang naman sa mga prayoridad ng pamahalaan sa kasalukuyan ang madagdagan ang kapasidad ng intensive care units sa NCR plus.
Hindi lang ito sa usapin ng ICU beds kundi maging ang mga kinakailangang dagdag na mga doktor at nurse.

“Nag-commit din po ang ating mga ospital ng 176 icu beds dito sa NCR plus at mahigit isanlibong ward beds sa kaniya-kaniyang mga ospital.” ani NTF vs COVID-19 Testing Czar & Dep. Chief Implementer Sec. Vince Dizon.

Batay sa pinakahuling ulat, nasa 80% na ang okupadong na icu beds sa mga ospital sa Metro Manila.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,