Mayorya ng mga Pilipino naniniwalang mapanganib ang maglathala ng mapamuna sa Administrasyong Duterte -SWS

by Erika Endraca | August 5, 2019 (Monday) | 15004

MANILA, Philippines – Batay sa pinakahuling resulta ng Social Weather Stations (SWS Survey), 59 percent ng mga Pilipino ang sumasang-ayon na maaaring sabihin nang hayagan at walang takot ang lahat ng gustong sabihin kahit ito ay laban sa administrasyon.

Ginawa ang second quarter survey mula June 22 to 26, 2019 sa pamamagitan ng panamayam sa 1,200 respondents sa buong bansa.

Bukod dito, 67 percent din ng mga Pilipino ang nagsasabing may kalayaan sa pananalita, pagpapahayag at pamahayagan ang mass media sa Pilipinas.

Kaya ipinagtataka ng palasyo ang isa ring resulta sa naturang survey kung saan mayorya rin o 51 percent ng mga Pilipino ay sumasang-ayon na mapanganib ang mag-lathala, magprint o mag-broadcast ng anumang kritikal sa administrasyon kahit na ito ay ang katotohanan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ginagalang ng punong ehekutibo ang anomang pamumuna sa kaniyang administrasyon basta’t ito ay may basehan at di bulaan.

Tiniyak din ng opisyal na walang nangyaring pagsikil o pagpataw ng parusa sa sinomang nagpahayag ng laban o di pag-sangayon kay Pangulong Duterte.

Hangga’t di aniya labag ito sa isinasaad sa saligang batas, makatitiyak din aniya ang sinomang kritiko ng administrasyon di ito pipigilan ng pamahalaan.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: ,