Deretsahang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dahilan kung bakit biglaang napatalsik sa House Speakership si Davao Del Norte Pantaleon Alvarez at pinalitan ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Arroyo.
Inamin ng punong ehekutibo na ang kaniyang anak na si Davao City Mayor Inday Sara na bukod sa panununtok ng isang sheriff, kaya rin aniya nitong magpatalsik ng House Speaker.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag nang dumalo ito sa 44th Philippine Business Conference and Expo sa Maynila kahapon.
Aniya, ginawa ni Inday Sara yun dahil sa galit kay Alvarez matapos sabihin nitong bahagi ito ng oposisyon laban sa ama at kaya aniyang patalsikin si Pangulong Duterte sa pwesto.
Matatandaang biglaan ang pagkaalis ni Alvarez sa pagiging House Speaker nito ilang oras bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong Hulyo.
Muli namang iginiit ni Pangulong Duterte na wala siyang kinalaman sa House leadership at sinabing humingi rin sa kaniya ng paumanhin si Inday Sara matapos ang insidente.
Samantala, sinabi ni Pangulong Duterte na ayaw niya sa political dynasty subalit hindi ito maialis sa Davao City.
Sa 2019 midterm elections, muling nagsumite ng kaniyang kandidatura bilang alkalde ng Davao City si Inday Sara, samantalang ang bunsong kapatid na si Sebastian “Baste” ay tatakbo naman bilang vice mayor ng lungsod.
Ang panganay na anak naman nitong si Paolo “Pulong” ay tatakbo bilang kinatawang ng Davao City First District.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )