Mayor Richard Gomez, hinamon si NHA GM Marcelino Escalada na magbitiw sa puwesto

by Radyo La Verdad | October 8, 2018 (Monday) | 5738

Magbitiw sa puwesto, ito ang hamon ni Mayor Richard Gomez kay National Housing Authority (NHA) General Manager Marcelino Escalada.

Ito ay matapos sabihin ng pamunuan ng NHA na libelous ang sinabi ni Mayor Gomez na substandard ang ginamit nilang materyales sa pabahay sa Ormoc City at tila pinalalabas pa nito na tumatanggap ng suhol ang kanilang mga tauhan sa viral na video nito sa facebook sa isinagawang inspeksyon sa mga housing unit sa syudad.

Aniya, hindi dapat magalit ang NHA, sa halip ay dapat pa umano itong matuwa dahil sa ginawa niyang inspeksyon ay nalaman nilang mali ang ginagawa ng contractor.

Dagdag pa ng alkalde, sa pinirmahang kasunduan ng city government, NHA at contractor nito na may karapatan ang LGU na siyasatin ang mga materyales na ginagamit sa ginagawang pabahay.

Humiling naman si Mayor Gomez na mas mabuti umanong personal na makita rin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ginagawang pabahay para sa mga biktima ng lindol.

Samantala, ayon sa Ormoc City LGU, halos 1,400 housing unit sa Barangay Margen ang malapit nang matapos, samantalang nasa 144 housing unit ang nasa Barangay Gaas at 800 na mga bahay naman ang under construction sa Barangay Dolores.

Matatandaang noong Hulyo 2017 niyanig ng 6.5 magnitude na lindol ang probinsiya ng Leyte at labis na napinsala nito ang Ormoc City kung saan mahigit sa dalawang libong pamilya ang kinakailangan ilipat ang mga bahay sa mas ligtas na lugar.

 

( Archyl Egano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,