Maynilad at Manila Water, may bawas-singil sa tubig simula sa March 21

by Radyo La Verdad | March 4, 2022 (Friday) | 14283

METRO MANILA – Mula sa dating 12% value added tax na kasama sa binabayarang water bill ng mga customer ng Maynilad at Manila Water, papalitan na ito ng 2% national franchise tax, at local franchise tax na sisingilin ng lokal na pamahalaan.

Ito’y matapos na aprubahan ng kongreso ang bagong prangkisa ng mga water concessionaire.

Dahil dito magpapatupad ng bawas-singil sa tubig ang Maynilad at Manila Water na magsisimula sa March 21.

Para sa mga customer ng Maynilad na kumukonsumo ng 10 cubic meters kada buwan, bababa sa P118 ang kanilang water bill mula sa dating P130.

Kung umaabot naman ng 20 cubic meters ang konsumo, higit P445 na lamang ang babayaran mula sa dating mahigit sa P448.

Bababa naman sa higit P908 ang babayaran ng customer na kumokonsumo ng 30 cubic meters mula sa dating P997.93.

Para naman sa customer ng Manila Water, higit P138 na lamang ang babayaran mula sa nakaraang mahigit sa P151 kung kumokonsumo ng 10 cubic meter sa loob ng 1 buwan.

Habang bababa naman sa P305 na lamang ang babayaran mula sa dating mahigit P337 na montly bill kung inaabot ng 20 cubic meters ang konsumo sa tubig.

Higit P621 na lamang rin ang babayaran para sa mga komokonsumo ng 30 cubic meter na dating nasa 679 ang water bill.

Nilinaw naman ng Metropolitan Water Works and Sewerage System (MWSS) na wala silang kapangyarihan para diktahan ang mga lokal na pamahalaan kung magkano ang ipapataw nitong local franchise tax.

Gayunman tiniyak ng ahensya, na lilimitahan lamang ng hanggang P5 ang sisingiling buwis ng mga LGU, upang hindi naman maabuso ang mga consumer.

Samantala, patuloy namang binabatayan ng MWSS ang sitwasyon ng Angat dam lalo na ngayon na ramdam na ang mainit na panahon.

Nababahala ang ahensya na posibleng bumaba pa ang water level sa dam, gayunman tiniyak nito na hindi magkakaroon ng water crisis sa bansa at sisikapin na matugunan ang maaring maging problema sa suplay ng tubig.

(Aileen Cerrudo | UNTV News)

Tags: , ,