Sinimulan na ng Indonesian Government ang mass burial para sa mga nasawi sa tsunami sa Sulawesi, Island sa Indonesia
Ayon sa mga awtoridad, kailangan itong gawin agad dahil sa isyu na pangkalusugan at religious belief ng mga Indonesians na karamihan ay mga Muslim.
Ang libingan na hinukay sa lungsod ng Palu ay may sukat na 10 by 100 meters at maaari pang palakihin depende sa pangangailangan dahil inaasahan ng mga otoridad na tataas pa ang bilang ng mga nasawi.
Patuloy rin ang isinasagawang search and rescue at retrieval operation ng mga iba’t-ibang grupo sa Sulawesi.
Nasa 844 na ang kumpirmadong nasawi, ngunit 744 pa lamang sa mga ito ang natukoy o nakilala ayon sa mga opisyal.
Umaasa ang mga kaanak ng mga nasawi na makilala man lamang nila ang kanilang mga mahal sa buhay bago mailibing. Ngunit nahihirapan ang mga ito dahil sa kalagayan ng mga bangkay na narerecover.
Karamihan sa mga namatay ay natatagpuan sa mga gumuhong gusali, bahay at mga hotel at pinangangambahang marami pa ang nabaon dahil sa landslide sa mga liblib na lugar sa isla.
Samantala, daan-daang mga Indonesian ang nais ng umalis sa lungsod ng Palu sa Sulawesi dahil sa takot at hirap ng buhay ngayon sa isla.
Marami ang umaasa na makasakay sa mga military at commercial plane palabas ng Sulawesi. Dinagsa ng mga tao ang maliit na paliparan sa Palu upang makabili ng plane ticket.
Ang kwarenta anyos na si Arfah, nagtungo sa airport sa pag-asang makakakuha ng tulong mula sa mga dumadating na military plane.
Ilan sa mga pinalad na makasakay ng eroplano ay dinala pansamantala sa kalapit na lungsod ng Makassar sa Indonesia.
Sa kabuuan ay nasa mahigit isang milyong mga residente ang naapektuhan ng lindol at tsunami na tumama sa Sulawesi Island sa Indonesia noong nakaraang Biyernes, ika-25 ng Setyembre.
( Salvie Alvarez / UNTV Correspondent )
Tags: Indonesia, mass burial, tsunami