Masbate Gov Rizalina Lanete at Janet Napoles, pinayagan na makapag-piyansa Sandiganbayan sa kasong plunder

by Radyo La Verdad | April 13, 2016 (Wednesday) | 1486

janet-napoles
Nakapagpiyansa na sa Sandiganbayan sina Masbate Gov Rizalina Lanete at dating APEC Partylist Rep. Edgar Valdez, na pawang nasasangkot sa 10 billion Pork Barrel Scam.

Sa magkahiwalay na desisyon, pinayagan ng 4th division at 5th division na pansamantala na silang makalaya sa kanilang mga kaso.

830 thousand pesos ang piyansa ni Lanete sa plunder at labin isang counts counts ng graft habang 1 million 710 thousand pesos naman ang bail ni Valdez para sa plunder at pitong counts ng graft.

Parehas na division ay naglabas na ng release order sa BJMP Camp Bagong Diwa sa Taguig kung saan parehas nakaditine ang 2 dating kongresista.

Si Lanete ay nakalabas at nakapunta na sa Sandiganbayan at natapos na rin ang proseso ng bail.

Si Valdez naman ay bukas pa inaasahang pupunta sa Sandiganbayan.

Sa resolusyon ng Sandiganbayan sinabi nitong walang matibay na ebidensyang magtuturong nagbulsa ng 64 million pesos si Masbate Governor Rizalina Seachon-Lanete mula sa pageendorso ng kanyang PDAF sa mga ngo ni Napoles.

Ayon sa korte, mismong ang prosekusyon ang umaming hindi kailanman nagkita si Lanete at Napoles upang pagusapan ang kumisyon na maaari niyang makuhang mula sa mga proyekto ng kanyang PDAF.

Wala ring umanong pagkakataon na pumunta si Lanete sa opisina ni napoles at kahit sa mga party nito.

Ayon din kay PDAF witness Benhur Luy, hindi nakakuha si Lanete ng kumisyon na direktang si Napoles mismo ang nag-abot dahil pinapadaan umano ito sa kanyang chief of staff na si Jose Sumalpong.

Walang ring iba pang nakuhang matibay na ebidensya maliban sa testimonya ni Luy na nakarating kay Lanete ang kumisyon.

Dagdag pa ng korte, hindi naman peke ang mga proyekto ni Lanete dahil kinumpirma ng mayor ng Brgy Cawayan Masbate na nadeliver at naibigay naman sa mga beneficiary ang pinabili ni Lanete na life vest.

Samantala, bagaman pinyagan si Janet Lim Napoles na makapagpiyansa ay hindi pa rin siya makakalabas ng Correctional Insitution for Women sa Mandaluyong kung saan siya nakaditine.

Ito ay sa dahilang mayroon pang apat na plunder case na kinakaharap si Napoles kasama sina Senator Bong Revilla Jr., Jinggoy Estrada at Senador Juan Ponce Enrile.

Na-deny ang petition for bail nina Revilla at Estrada, samantalang si Enrile ay nakapag-piyansa dahil sa health problem.

Bukod sa PDAF Scam, convicted na rin si Napoles sa kasong serious illegal detention.

Kung sa plunder case ni Lanete ang sinabi ng Sandiganbayan ay walang matibay na ebidensya, sa kaso naman ni Valdez pinaliwanag ng korte na hindi naman naabot yung threshold amount ng kasong plunder.

Sa 57 million kasi na alleged kickback ni Valdez, 2.6 million pesos lang ang may supporting evidence.

Kaya naman ayon sa kampo no Valdez dapat ay madismiss na rin ang kasong plunder.

Inaasahan nating maghahain pa ng motion for reconsideration ang kampo ng prosekusyon sa resolution ng 2nd division ng Sandiganbayan.

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,