Janet Napoles, dapat ma-extradite patungong Estados Unidos – dating Pangulong Aquino

by Radyo La Verdad | August 2, 2018 (Thursday) | 12608

Dapat ma-extradite o ipatapon sa Estados Unidos si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles upang malitis ito sa kasong money laundering ayon kay dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kay Aquino, mula pa noong kaniyang panahon ay may umiiral nang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Ngunit ayon sa DOJ, hangga’t hindi nateterminate ang kaso ng isang indibidwal ay hindi maaaring ma-extradite ang isang akusado.

Ang tangi lamang magagawa ng mga otoridad ay makipagtulungan sa US federal authorities hinggil sa pagkuha ng ebidensya at imbestigasyon hanggang sa maibalik ang pondo ng bayan.

Samantala, umaasa rin ang dating pangulo na sa pag-upo ni Ombudsman Samuel Martires ay magiging patas ito sa pagresolba sa kaniyang mga kasong nakabinbin sa anti-graft body.

Nagbigay rin ng kaniyang pananaw si Aquino hinggil sa pag-upo ni Pampanga Representative Gloria Arroyo bilang house speaker.

Matatandaang nakulong si Arroyo noong administrasyon ni Aquino dahil sa mga kaso ng katiwalian at kurapsyon.

Bagaman bahagyang kwestiyonable umano ang pagpapalit ng liderato ng Kamara ay naniniwala naman si dating Pangulong Aquino na kung desisyon ng taumbayan ang pagkakaluklok kay Arroyo ay may karapatan naman umano nito na kunin ang nasabing posisyon.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,