Mas matinding sintomas, nadiskubre ng PAO Forensic Expert sa mga batang namatay sa Dengvaxia

by Radyo La Verdad | January 16, 2018 (Tuesday) | 2365

Pitong biktima na ang nasuri ng forensic laboratory ng Public Attorney’s Office at napatunayang namatay matapos turukan ng Dengvaxia.

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, may nakikita silang pagkakatulad sa kaso ng mga bata, mula ng mabakunahan ng Dengvaxia hanggang sa magkasakit at mamatay.

Pinaka nakakabahala aniya ang kaso ng 13-anyos na biktima mula sa Balanga, Bataan na namatay kalahating araw lamang ang nakalipas matapos makitaan ng sintomas.

Nang suriin, may matinding pagdurugo umano ito sa ulo at bituka na mas malala sa mga sintomas ng normal na dengue. Kayat hiling ni Erfe sa mga eksperto, pag-aralan ito upang makabuo ng lunas.

Samantala, hindi pa nabubuo ng PAO ang kasong kriminal na isasampa sa mga dapat managot kaugnay ng anomalya sa Dengvaxia.

Pero ngayon pa lang, abswelto na ang mga health workers at mga guro na katuwang sa pagbakuna sa mahigit walong daang libong mag-aaral.

Hinamon naman ni Health Sec. Francisco Duque III na maglabas ng ebidensiya ang mga nag-aakusa na may “Mafia” sa kaniyang ahensiya. Pwede rin aniyang magsampa ng kaukulang demanda ang mga ito kung talagang may hawak silang ebidensiya.

Pero ngayon pa lang, paiimbestigahan na ng kalihim ang pinasok na mga kontrata ng nakaraang administrasyon.

Nitong Sabado, inihayag ng dating DOH Consultant Dr. Francis Cruz na may sabwatan at nakinabang ang mga opisyal ng ahensiya sa pagbili ng Dengvaxia.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,