Mas matataas na opisyal ng pamahalaan, posibleng sangkot sa smuggling ng mga alahas – PACC

by Radyo La Verdad | May 18, 2018 (Friday) | 6671

Padrino at sundo system ang nakikitang modus operandi ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa loob ng NAIA terminal upang maisagawa ang smuggling activities dito. Hawak na ng komisyon ang pangalan ng mga opisyal na sangkot sa smuggling sa NAIA.

May mga sangkot aniya mula sa Department of Finance (DOF), Manila International Airport Authority (MIAA), Bureau of Customs (BOC) at Department of Justice (DOJ).

Samantala, iprinisinta din ng PACC ang ang footage kung paano iniabot ang isang pouch bag kay Customs Flight Supervisor Lomodot Macabando sa NAIA Terminal 3 noong ika-5 ng Mayo.

Sa umpisa ng video, makikita na tila may inaabangan si Macabando sa carousel ng mga luggage nguni’t may biglang lumapit sa kaniyang lalaki at saka iniabot ang bag.

Laman ng bag ang mga gold jewelry na nagkakahalaga ng anim na milyong piso. Mula sa mag-asawang Mimbalawang na umano’y smuggler ang bag na iniabot ng lalaki kay Macabando.

Matagal na umanong minamanmanan ng PACC ang naturang opisyal at ang naturang smugglers.

May kaugnayan si resigned Justice Asec. Moslemen Macarambon Sr. sa umano’y mag-asawang smuggler.

Ayon sa PACC, ang pamamagitan ni Macarambon ang posibleng dahilan kaya pinaalis ito ng Pangulong Duterte sa pwesto bilang isang justice assistant secretary.

Mali aniya na mamagitan si Macarambon sa pagtawag sa mga smuggled na kontrabando sa isang distirict collector ng Customs sa NAIA.

Dapat aniya kinumpiska at kinasuhan ang mga smuggler at hindi pinagbayad ng duties and taxes.

Ayon kay Belgica, kasama sa kanilang isinasagawang imbestigasyon ay ang pagtukoy sa malaking organized syndicate na nasa likod ng iligal na aktibidad.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,