METRO MANILA – Kumpyansa ang palasyo na mas maraming Pilipino ang makakabalik na sa paghanapbuhay sa mga susunod na buwan.
Lalo ngayong nagbukas na muli ang turismo sa bansa at nag-umpisa nang papasukin ang mga biyaherong dayuhang fully vaccinated .
Bukod dito, inaasahang lalago pa ang ating ekonomiya dahil sa pagbubukas ng mas maraming industriya at pananatili sa alert level 2 ng Metro Manila at karatig probinsya.
Tiwala naman ang palace official na hindi pagmumulan ng COVID-19 surge ang pagluluwag sa entry protocols ng bansa kung mananatili sa pagsunod ang mga kababayan at foreigners sa health protocols.
“We will be able to ensure if everybody complies with all the minimum health and safety protocols maging ang mga turista at maging foreign nationals, magco-comply, at lahat po tayo magko-comply, ay maa-assure po natin na hindi po ito magiging sanhi o surge in COVID” ani Acting Presidential Spokesperson/ Cabinet Secretary Sec. Karlo Nograles.
Noong December 2021, pumalo sa 6.6% ang unemployment rate sa bansa mula sa 6.5% noong November 2021 batay sa datos ng labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Samantala, bumagsak naman ang underemployment rate sa bansa noong December sa 14.7% mula sa 16.7% noong November 2021.
(Rosalie Coz | UNTV News)
Tags: PH Economy, PSA