METRO MANILA – Nais ng Metro Manila Mayors na mapanatili ang patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases partikular na sa National Capital Region.
Ngunit isaalang-alang rin ng mga alkalde ang kabuhayan ng mga apektadong mamamayan kung maikli lang ang operation hours ng ilang negosyo.
Bunsod nito, napagkasunduan ng Metro Manila Council na paikliin ang curfew hours.
Mula sa kasalukuyang 8pm hanggang 5am ay gagawin na itong 10 pm hanggang 4 am.
Paliwanag ni Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benjamin Benhur Abalos Jr., makatutulong ito na makapagbigay ng trabaho at kita laban sa krisis dulot ng pandemya.
“Kasi usually kapag pupunta ka ng mall, siguro may mga 6:30, 7 sarado na yan eh dahil 8 o’clock curfew na eh. At least ngayon ang mall hours mo hanggang 9 o’clock ka or hanggang 8 o’clock ka. Di ba? Mas marami kang chance na magtrabaho nang mas mahaba ng 8 hours.” ani MMDA Chairman Benjamin Benhur Abalos Jr.
Ito rin ang dahilan kung bakit naunang nirekomenda ng konseho ng metro manila mayors ang pagpapatupad ng hybrid Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa pagpasok ng buwan ng Mayo.
Kung saan target ng mga local government officials na buksan ang ilan pang industriya habang nananatili ang mahigpit na restriksyon na ipinatutupad sa ilalim ng MECQ.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)
Tags: NCR Plus Bubble